Monday, February 20, 2017

Majestic Asik-Asik Falls

Sabi nga nila " sa ngalan ng pag-ibig, hahamakin ang lahat masunod ka lamang"! Oo, hinamak ko lahat masunod lang ang gusto ng puso ko: ang madalaw ang minamahal ko sa kanilang lugar at mahingi ang kamay niya sa kanyang mga magulang.

Taga Cebu ako. Nagtungo ako sa North Cotabato kahit marami akong nadidinig na delikado ang pumunta sa lugar na iyon. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na magulo ang ilang bahagi ng lugar doon. Baon ang lakas at tibay ng loob at pananalig sa Puong Maykapal, sinuong ko ito na mag-isa. Maliban sa napagtagumpayan ko ang pakay ko roon ay may bonus pa akong natanggap at naranasan. Iyon ay ang makapunta, makaligo at makapag-selpi sa tinagurian nilang Majestic Asik-Asik.




Kung manggagaling ka ng Davao ay maaari kang bumaba sa Midsayap. Mula roon ay mayroong mga dyip na babyahe papuntang Dado, Alamada, North Cotabato at mula sa Dado ay sasakay ka naman ng habal-habal papunta na sa Asik-Asik. Pero mas mabuti, na mula pa lang sa Midsayap ay sumakay ka na ng habal-habal nang mapabilis ang biyahe mo. Puwede ka namang makipagtawaran sa mga habal-habal drivers, mga 300-500 pesos kada isang tao.



Gaya ng pag-ibig, hindi madali ang daan papunta sa paradise. Masasabi kong delikado ang iyong babaybayin. Mga dalawang oras ito lalakbayin. Bagama't sementado na ang ilang dadaanan ay mayroon namang mga bahagi na hindi pa. Mga malalaking bato na sapa ang tatawirin ng mga gulong ng habal-habal. Kung ikaw ay buntis, mas marapat na huwag ka ng tumuloy kasi tila matatanggal ang iyong matris sa biyahe. Muntikan na rin kaming sumemplang. May matatarik din na daan na kung saan ay marami na raw nadidisgrasya roon. Kaya lagi mong paalalahanan ang iyong driver kapag sa tingin mo ay umaariba na ito.


Sumigaw ka kung gusto mo matapos mo marating ang hangganan ng mga sasakyan papunta sa Asik-Asik. Sa lahat ng napagdaanan mo ay marapat lang na ilabas mo ang lahat ng kaba na naipon sa loob-loob mo. Ngunit subali't datapwat, hindi pa roon nagtatapos ang hirap na iyong daranasin. Matapos mong magbayad ng 30 pesos na entrance fee ay sisimulan mo nang maghakbang pababa sa higit kumulang na 600 steps papuntang Asik-Asik Falls. Kailangan mo munang tiisin ang hirap bago makarating sa langit di ba?


Labing-labing muna pampawala ng pagod.


Mula sa kinalalagyan namin ay matatanaw mo na sa baba ang Falls.

May mga pahingahan naman.




Nang parating na kami sa mismong Falls ay bumilis ang pintig ng puso ko. Na-excite na ako nang marinig ko ang lagaslas ng tubig. At sa wakas, nasilayan ko na rin ang Majestic Asik-Asik..!!!








Sadyang nakakamangha. Kakaiba at nakakarelaks at malayo sa mundong nilamon na ng makabago at modernong teknolohiya. Ngunit napansin kong nakapatong lang sa mga bato ang mga tao na naroon. Kaya sinubukan kong lumusong sa tubig. Waaaahhhhhh!!! Nakakaloka. Nakakaloka ang sobrang lamig ng tubig. Kaya pala. Sa sobrang lamig ay hindi mo talaga kakayanin na manatili ng matagal. Tumikim at uminom rin ako ng tubig galing sa taas. Kasing lasa ito ng mineral water.









Ang aming magagaling na drivers.

Ngunit lahat ng bagay ay mayroong hangganan. Ayaw ko na sanang umuwi ngunit kailangan. Ang natikman kong sarap at saya ay mapapalitan na naman ng hirap at pagdurusa. Kung nakakapagod na ang pagbaba, ay mas nakakapagod at nakamamatay ang pag-akyat at paghakbang ng 600 steps na hagdan pabalik sa taas. Nakailang hakbang pa lang ako ay tagaktak na ang mga pawis ko. Umayaw na ako. Yun bang masasambit mo sa sarili mo na hinding-hindi ka na babalik dito.

Relaks muna.



Nang makabalik na kami sa itaas, huh, sa wakas napagtagumpayan din. Gaya ng buhay, huwag tayong dapat sumuko sa anumang hamon na ibibigay nito. Paulit-ulit ka man na bibigyan ng sakit at paghihirap, dapat paulit-ulit ka ring sumubok. Patuloy lang sa paghakbang at paglakad: tiyak mararating mo ang tugatog ng tagumpay.

Gaya naman sa larangan ng pag-ibig, huwag kang sumuko at mapagod na magmahal. Labanan mo ang lahat ng hadlang at ipakita mong may kakayahan kang magmahal at karapat-dapat kang mahalin ng iyong minamahal..!

Ngayon, taas noo kong isisigaw ang mga katagang:

 NAGMAMAHAL AKO ..!!!

I SURVIVED, ASIK-ASIK..!!!








10,000 Roses Café

Bukod sa isang floating restaurant (Lantaw) sa Day-as, Cordova, Cebu, ay mayroon na namang bagong pasyalan na maaari mong dalawin lalo na sa mga magkasintahan. Ito ang 10,000 Roses Café. Yes, iyan ang pangalan ng cafe at sa bungad nito ay mamamangha ka sa 10,000 na pirasong mga puting rosas na gawa sa cotton at plastik. Isa sa mga may-ari nito ay isang koreano na si Ah Seong Cho, isang interior designer at step-son ng municipal mayor ng Cordova.

Kinunan ko ang larawang ito mga bandang alas singko ng hapon. Marami na ang mga tao at padami nang padami pagsapit ng gabi.

Bago mag Valentines ay dinumog na ito ng mga tao dahil nag-trending ito sa social media. Kaya nang pumunta kami ay nahirapan kaming mag-selfie dahil imbes na 10,000 roses ay naging 10,000 people. Ngunit, talagang mamamangha ka naman sa ganda ng lugar na kung saan ay nasa tabing dagat ito at matatanaw mo ang ilang bahagi ng Cebu City. Libre lang kumuha ng larawan kahit hindi ka o-order ng anumang inumin o pagkain. Natutuwa na ang mga may-ari nito sa mga bumibisita na kung saan ay pinapasok nila ito sa social media na naging daan upang makilala ang lugar na ito.

Sa pagsapit ng 6:00 ng gabi ay sabay-sabay na nagliliwanag ang 10,000 roses. Mapapa-wow ka na lang sa ganda nito.




Paano puntahan ang 10,000 Roses Café? Madali lang sa akin ang pumunta rito kasi taga- Cordova lang din ako. Yung mga nanggagaling pa sa City ay maaari kayong magtungo sa SM City Cebu V-Hire Terminal. Sumakay kayo pa- CORDOVA at magpababa kayo sa Gaisano Grandmall Cordova at doon sumakay kayo ng pedicab o di kaya'y tricycle. Kada-isang tao sa pedicab ay 20 pesos at sabihin n'yo lang na pupunta kayo sa 10,000 Roses Café. Sa kasalukuyan, magbabayad na ng entrance fee na 20 pesos dahil sa dami ng tao na bumibisita sa lugar. Kailangan nila ito para sa maintenance at pag-control ng trapik.

Paalala lang. Bawal hawakan ang mga roses, bawal pumasok sa ginawang harang at lalong bawal ito na pitasin o baliin. Disiplina lang sa sarili ang kailangan.

Ako at ang aking palalabs.